Isang bangkay ng lalaki na may mga tama ng bala ang nakita sa gilid ng daan sa Barangay Manipis sa Talisay City, Cebu nitong Lunes ng umaga.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing naka-masking tape ang mga kamay ng biktima, at may nakapalupot na tela sa kaniyang mukha.

May iniwan din na mensahe sa kaniyang paanan na may nakasulat na: “Huwag tularan.”

Ayon kay Police Lt. Col. Maila Maramag, hepe ng Talisay City Police Office, natukoy na ang pagkakakilanlan ng biktima pero hindi muna inihayag sa publiko.

Kinumpirma ni Maramag na nasa early 30s ang edad ng biktima, at may mga basyo ng bala sa lugar kung saan nakita ang bangkay nito.

Patuloy pa umano ang isinasagawang imbestigasyon, at kasama sa tinitingnan motibo sa krimen ang tungkol sa ilegal na droga.—FRJ GMA Integrated News