Nasawi ang isang lalaki na 24-anyos matapos siyang mabundol at hindi hinintuan ng isang wing van sa Sta Cruz, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Sidaoen noong madaling araw ng Sabado.

Patuloy umanong sinusuri ng mga awtoridad ang mga CCTV footage sa mga kalapit na lugar para matunton ang van na nakasagasa sa biktima upang mapapanagot sa nangyari.

Sa Guimba, Nueva Ecija, nasawi naman ang isang 20-anyos na lalaki nang sumalpok ang minamaneho niyang tricycle sa nakasalubong na truck sa Barangay Tampac 1.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napunta ang biktima sa linya ng truck na minamaneho ng 23-anyos na driver.

Nasa kustodiya ng awtoridad ang naturang truck driver na maaaring maharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide

Sa Bambang, Nueva Vizcaya, sugatan naman ang isang rider matapos na mabangga ng SUV ang minamaneho niyang motorsiklo sa Barangay Magsaysay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-ovetake umano ang SUV sa sinusundan nitong sasakyan, at nakalubong ang motorsiklo na minamaneho ng biktima.

Mahaharap ang driver ng SUV sa kaukulang reklamo, habang nagpapagaling sa ospital ang biktima. – FRJGMA Integrated News