Isang cement mixer truck na nawalan umano ng preno ang sumalpok sa sinusundan nitong closed van sa Makilala, Cotabato. Ang dalawa pang sasakyan at pader ng munisipyo, nadamay.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing natulak ng ilang metro ang closed van hanggang sa nabundol din nito ang isang turtle cab o bao-bao.
Isang motorsiklo pa ang nadaganan ng dalawang sasakyan, at napatakbo rin sa takot ang mga tao.
Nagtuloy-tuloy pa ng takbo ang truck at van hanggang sa tumama sa pader ng munisipyo ng Makilala.
Wala naman lubhang sugatan sa insidente.
Sinabi ng driver ng cement mixer truck na nawalan ng preno ang minamaneho niyang sasakyan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
