Naaresto na ang 23-anyos na lalaki na suspek sa pagpatay sa pamamagitan ng paghataw ng maso sa kaniyang ina, ama, at isang kapatid sa Bukidnon noong Mayo.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing dinakip ang suspek sa bisa ng arrest warrant noong nakaraang Biyernes sa Malaybalay, Bukidnon.

Itinanggi umano ng suspek sa mga pulis ang akusasyon laban sa kaniya.

Pero ayon sa pulisya, may mga ebidensiya na nagdidiin sa suspek, bukod pa sa pahayag ng dalawa niyang kapatid na saksi sa krimen.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, natagpuang patay ang mga biktima sa kanilang bahay na pinagpapalo ng maso.

Posibleng nagawa umano ng suspek ang krimen dahil sa pakikipagtalo niya sa mga magulang nang malaman na hindi siya maka-graduate.

Ipapa-drug test ang suspek na nahaharap sa kasong murder at two counts ng parricide. – FRJ GMA Integrated News