Isang pulis ang nasawi, at isa pa ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng kanilang kabaro sa isang checkpoint sa Rizal, Cagayan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Gaddangao nitong nakaraang Sabado, September 13, 2025.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing umano ang suspek sa patrol duty nang tutukan nito ng baril ang isang pulis na nasa checkpoint. Tinangka naman siyang awatin ng dalawa pa nilang kasamahang pulis, at doon na nangyari ang pamamaril.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang pulis, habang nasugatan ang isa pa na ginamot sa ospital. Nakaligtas na walang sugat ang isa pa.
“So, itong mga involved, itong suspect nga po kasama ’yung biktima ay magkakasama doon po mismo sa checkpoint doon, sila po ’yung naka-deploy doon,” ayon kay Police Captain Shiela Joy Fronda, spokesperson ng Cagayan Provincial Police Office.
Sinabi pa ni Fronda na patuloy na iniimbestigahan kung bakit pinagbabaril ng suspek ang kaniyang mga kapuwa pulis.
Sumuko naman ang suspek na nasa kustodiya na ng awtoridad. Mahaharap siya sa patong-patong na kaso, kabilang ang homicide at frustrated homicide. –FRJ GMA Integrated News
