Isang pulis na lumampas sa kaniyang bababaan ang itinuturong suspek sa pagbaril at pagpatay sa driver ng pampasahero van na kaniyang sinakyan sa Talisayan, Misamis Oriental. Nadamay din ang dalawa pang pasahero na nasawi ang isa, at sugatan ang isa pa.

Sa ulat ni Alwen Saliring sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing sasampahan ng reklamong kriminal at administratibo ang suspek na pulis na may ranggong patrolman.

Ayon sa Police Regional Office-Northern Mindanao, nakatalaga ang suspek sa Camiguin Police Provincial Office, bilang miyembro ng Tourist Police Unit. Isinailalim na siya sa restrictive custody.

Nangyari ang insidente noong hatinggabi ng September 7, 2025, na ikinasawi ng driver ng van, isang lalaking pasahero, at ikinasugat ng isang babaeng pasahero.

Ayon kay PRO-10 Spokesperson Police Major Joann Navarro, nakaupo umano noon ang suspek na pulis sa tabi ng driver, at dapat siyang bababa sa bayan ng Balingoan, bago sumapit ang bayan ng Talisayan.

Lumitaw sa imbestigasyon na lumampas sa Balingoan ang pulis matapos makatulog sa biyahe. Nang magising, nalaman niyang nasa Talisayan na sila.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang suspek at driver nang sabihan ng pulis ang driver na bumalik sa Balingoan, na nauwi sa pamamaril.

Sa gitna ng kaguluhan, lalabas ng van ang pasahero lalaki na binaril din ng suspek, ganoon din ang biktima babae na nakaligtas sa kabila ng tinamong sugat.

Ayon kay Navarro, napag-alaman na bago ang insidente ay sinasabing nakaaway din ng suspek ang kaniyang asawa sa Iligan City.

Natunton ng mga awtoridad ang suspek sa Camiguin base sa mga ebidensiya at CCTV footage.

Isasailalim sa ballistic examination ang baril ng pulis na mahaharap sa reklamong two counts of murder at frustrated murder charges. Sasampahan rin siya ng administrative case for grave misconduct.

“We assure the public that the suspect will face the full force of the law, both criminal and administrative. Integrity and discipline must always prevail in the police service,” pagtiyak ni Navarro. --FRJ GMA Integrated News