Patay ang mister ng isang barangay chairwoman, habang sugatan ang dalawa nilang anak matapos silang tambangan ng apat na nakamotorsiklong salarin sa Cotabato City. Hindi rin nakaligtas ang isang tricycle driver na tinamaan ng ligaw na bala.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na kasama ng biktima sa sasakyan ang kaniyang asawa na barangay chairwoman sa lungsod at dalawang nilang batang anak.

Ilang sandali lang, pinagbabaril sila ng apat na salarin na sakay ng dalawang motorsiklo.

Idineklarang dead on arrival sa hospital ang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan. Sugatan sa balikat ang kaniyang misis at may minor injuries din ang kanilang mga anak.

Patay din ang isang tricycle driver na nasa lugar ng ambush matapos masapul ng ligaw na bala.

Narekober sa crime scene ang mahigit 60 basyo ng bala mula sa magkakaibang kalibre ng baril.

Personal na galit ang tinitingnang motibo sa pananambang, na patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News