Naisauli na ang isang bagong silang na sanggol sa kaniyang mga magulang matapos itong dukutin ng nagpanggap na nurse sa Lingayen District Hospital sa Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nasa kustodiya na ng pulisya ang babaeng tumangay sa sanggol na nagpakilalang nurse.
Hindi iniharap sa media ang babae ngunit batay kaniyang salaysay, nasa ospital siya noon dahil sa kaanak na naka-confine.
Nilapitan umano siya ng kaanak ng mga magulang ng sanggol at inalok siya ng P5,000 para kunin ang sanggol.
Nakumbinsi raw ang babae kaya siya sumunod at inuwi ang sanggol sa kanilang bahay. Kalaunan, nakonsensya siya kaya niya ibinalik ang sanggol.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam kung may kaugnayan ito sa organisadong grupo.
Ipinag-utos na rin ng provincial government ang pagkakabit ng mga CCTV camera sa lahat ng mga pagamutan at pasilidad sa lalawigan. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
Sanggol na dinukot sa Lingayen District Hospital, naibalik na sa kaniyang mga magulang
Setyembre 17, 2025 6:08pm GMT+08:00
