Nasawi ang isang 48-anyos na doktor matapos pataob na bumagsak sa isang sapa ang minamaneho niyang sports utility vehicle o SUV sa Baggao, Cagayan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Tungel, at malakas umano ang ulan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, makitid lang ang tulay na dinaanan ng SUV at may mga sandbag sa gilid nito na nagsisilbing pangharang.
Maaari umanong hindi napansin ng biktima ang mga sandbag na kaniyang nabangga bago ito nahulog mula sa tulay at pataob na bumagsak sa sapa na may tubig.
Nagtulong-tulong ang mga awtoridad na kunin ang driver mula sa loob ng sasakyan at itinakbo siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
“Matindi po yung ulan during that time. Upside down ang kaniyang posisyon (ng SUV). Kapag ganoon ang hitsura ng sasakyan, ang biktima [driver] ay ganoon din ang hitsura. Kahalati ng katawan niya ay nakalubog sa tubig,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Rovelita Aglipay, hepe ng Baggao Police Station.
Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News
