Patay ang administrative division officer-in-charge ng Port Management Office Palawan ng Philippine Ports Authority matapos siyang barilin sa harap ng kaniyang bahay sa Puerto Princesa City Miyerkoles ng gabi, ayon sa ahensiya.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, mariing kinondena ng PPA ang pagpatay kay Atty. Joshua Abrina.

“We denounce this act of violence in the strongest possible terms and call on law enforcement authorities to pursue all leads to bring the perpetrators to justice,” ayon sa PPA.

“Violence and intimidation have no place in a civilized society, and such actions will never deter the PPA community from performing its mandate of serving the Filipino people,” dagdag nito.

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng Puerto Princesa City Police Office na kararating lang ni Abrina sa Barangay San Jose mula sa isang prayer meeting kasama ang kaniyang pamilya nang pagbabarilin siya ng hindi pa nakikilalang gunman 8:15 p.m.

Ibinababa noon ng biktima ang kanilang mga kagamitan mula sa kanilang sasakyan at naghahanda nang pumasok ng kanilang bahay nang mangyari ang pamamaril. Dinala siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa pulisya sa lungsod, nangangalap na ngayon ng mga testimonya ang mga imbestigador mula sa mga testigo, nakikipag-ugnayan sa mga lokal na residente, at binabalikan ang CCTV footage.

Binuo na rin ang isang Special Investigation Task Group para tutukan ang kaso.

“We are committed to pursuing all leads and exerting our utmost effort to resolve this case promptly,” sabi ng Puerto Princesa City Police Office.

“Likewise, we appeal to anyone who may have relevant information that could aid in the investigation to come forward and immediately coordinate with Police Station 2 or directly with the Puerto Princesa City Police Office,” dagdag nito.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV nitong Huwebes, sinabing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines Palawan Chapter ang krimen.

Nanawagan sila para sa mabilis na imbestigasyon at mapanagot ang nasa likod nito. – FRJ GMA Integrated News