Patay ang isang 38-anyos na rider matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa likuran ng isang pampasaherong jeepney at magulungan siya ng isang dump truck sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Bued kaninang 8:00 a.m.
Ayon kay Police Major Rodrigo Lubiano, Deputy Chief ng Calasiao Police Station, magtatangka sana ang rider na mag-overtake sa sinusundang pampasaherong jeep na nagbagal ng takbo.
Sa kuha ng CCTV camera, sinabi ni Lubiano na mayroong dalawang motorsiklo na naunang nakalusot sa naturang jeepney at kasunod na ang biktima.
Sa kasamaang-palad, tumama ang motorsiklo ng biktima sa likuran ng jeepney na dahilan para mawalan ito ng balanse at matumba.
Nagkataon naman na may paparating na truck at nagulungan nito ang rider na dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Wala pang pahayag ang driver ng truck pero sabi ng pahinante na hindi nila gusto ang nangyari.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng jeepney, habang hindi na nagbigay ng pahayag ang asawa ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News
