Nasawi ang isang mister, habang kritikal ang kaniyang misis, matapos silang salpukin ng isang pickup truck habang naglilinis ng kalsada nitong madaling araw ng Miyerkules sa Mandaue City, Cebu.
Ayon sa Mandaue City Public Affairs Office, sinabing sinamahan ng lalaking biktima sa paglilinis sa kalsada sa bahagi ng Barangay Tipolo, ang kaniyang maybahay na tauhan ng Clean and Green ng lokal na pamahalaan, nang mangyari ang insidente bago mag-4:00 am.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, makikita na duguan na nakahandusan pero may malay ang babaeng biktima. Habang hindi na gumagalaw ang kaniyang mister na nasa ‘di kalayuan sa kaniya.
Dinala ang mag-asawa sa pagamutan pero hindi nakaligtas ang lalaki, habang malubha naman ang tinamong pinsala ng ginang.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mercy Villaro, information officer ng Mandaue City Police Office, isinuko naman sa awtoridad ng isang ina ang kaniyang 21-anyos na anak na sinasabing nagmaneho ng pick-up truck na nakadisgrasya sa mag-asawa.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. – FRJ GMA Integrated News
