Arestado sa entrapment operation ang isang lalaki sa loob ng isang inn sa Mangaldan, Pangasinan, matapos umanong pilitin ang isang 17-anyos na babae na magtalik sila bilang kabayaran sa utang nitong P1,500 sa suspek.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nadakip ang 26-anyos na lalaki nitong Miyerkules.

Ayon sa pulisya, nagsumbong sa mga awtoridad ang biktima kaya ikinasa ang operasyon laban sa suspek, na nahulihan din umano ng shabu.

“Noong September 17 inengganyo niya (suspek) ang victim, magbabayad ng utang ang victim. Sasama sa hotel [at] katawan na lang niya ang ibabayad niya. Sinabi pa ng suspek na magsa-shabu sila sa loob at magtatalik,” ayon kay Mangaldan Police Chief Police Lieutenant Colonel Perlito Tuayon.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang at iginiit na hindi niya tinakot o pinuwersa ang dalagita.

“Hindi ko naman gusto, maniningil lang talaga ako, wala, na-frame up na ako,” saad niya.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek, habang wala pang pahayag ang biktima.—FRJ GMA Integrated News