Nasawi ang isang truck driver, pati ang kaniyang asawa at walong-taong-gulang na anak nang bumangga ang kanilang sasakyan sa nakasalubong na bus sa Calasiao, Pangasinan. Himala namang nakaligtas ang isa pa nilang anak na tatlong-taong-gulang.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente ng highway na bahagi ng Barangay Bued nitong Huwebes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang truck na sinasakyan ng mag-anak na nag-overtake sa sinusundang tricycle hanggang sa mapunta sila sa kabilang linya ng highway.

Sa kasamaang-palad, may paparating na pampasaherong bus kaya nangyari ang banggaan. Sa lakas pagkakasalpok, makikita na umatras pa ang truck at nayupi ang harapan nito.

“Malakas talaga ang impact. Akala ko may sumabog na gulong. Paglabas ko, ganyan na ang nangyari,” ayon sa residenteng si  Ferdinand Ohania.

Nagtulong-tulong ang mga rescuer mula sa Calasiao, Dagupan, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), upang maialis sa pagkakaipit ang mag-anak sa truck.

“Pahirapan talaga [ang pagkuha] kasi naipit sila sa loob. Unfortunately, tatlo ang patay, isa ang buhay,” ayon kay Calasiao DRRM officer Freddie Villacorta, inabot ng may kalahating oras bago naalis sa pagkakaipit ang mga biktima.

Bukod sa 3-anyos na bata na mula sa truck, sugatan din ang driver ng bus at pito nitong pasahero.

Hindi muna naglabas ng pahayag ang pulisya ng Calasiao sa nangyaring insidente habang isinasagawa pa nila ang imbestigasyon.

Ayon naman sa mga opisyal ng barangay, accident-prone ang bahagi ng highway na pinangyarihan ng insidente pero may sapat umanong warning signs na nakalagay sa lugar.—FRJ GMA Integrated News