Makapagil-hininga ang ginawang pagsagip ng mga residente sa kanilang kababayan na tinangay ng malakas na agos ng tubig nang magmistulang ilog ang palayan dahil sa pag-ulan sa Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa video footage na pilit na lumalangoy ang lalaki papunta sa gilid ng palayan sa Barangay Banay.
Nakapuwesto sa gilid ng palayan ang mga tao, maging ang ilang kalalakihan na may hawak ng lubid na ibinato sa kaniya upang kapitan.
Nagawa naman ng lalaki na mahawakan ang lubid kaya nahatak siya papunta sa gilid.
Napalakpakan sa tuwa ang mga tao nang masagip ang kanilang kababayan.
Ayon sa mga awtoridad, napuno ng tubig ang ilog dahil sa walang tigil na pag-ulan hanggang sa umapaw ito. Napunta na ang tubig sa palayan kaya nagmistula na ring ilog ang taniman.
Samantala sa Sta Lucia, Ilocos Sur, bumigay naman at nasira ang pader ng isang plaza nitong Lunes ng umaga dahil pa rin sa walang tigil na pag-ulan.
Sa kabutihang-palad, walang nasaktan sa nangyaring insidente.
Nakatayo ang naturang plaza malapit sa paanan ng bundok.
Sa Sta Maria, Ilocos Sur naman, makikita sa cellphone video kung gaano naman kalakas ang hangin ng buhawi na tumama sa lugar.
Ayon sa ulat, 44 na bahay ang napinsala dahil sa naturang buhawi.—FRJ GMA Integrated News
