Patay ang isang pahinante, habang sugatan ang driver at isa pa nilang kasama nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang truck sa Gutalac, Zamboanga Del Norte.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Mamawan nitong Lunes.
Ayon sa Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9), tinatayang may lalim na 20 talampakan ang binagsakan ng truck na may kargang mga kape at milk products.
Binabagtas umano ng truck ang pababang bahagi ng daan nang mapansin ng driver na nawalan siya ng preno hanggang sa mahulog na sila sa gilid ng highway.
“Nung nandoon na sila sa pababa na part ng kalsada, napansin ng driver na hindi kumakagat yung preno. Matigas na daw, so hindi na nakontrol, nahulog na sila,” ayon kay PRO-9 Spokesperson, Police Major Shellamie Chang.
Isa sa mga pahinante ang naipit at hindi na umabot nang buhay nang dalhin sa pagamutan. Sugatan naman pero nakaligtas ang driver at isa pang pahinante.
Ayon sa pulisya, nakipag-ugnayan na ang kompanya na may-ari ng truck sa mga biktima para magbigay ng tulong. – FRJ GMA Integrated News
