Nasawi ang isang apat na taong gulang na babae matapos siyang pagpapaluin ng kahoy ng kaniyang sariling ina sa Dasmariñas, Cavite. Ayon sa mga kapitbahay, nadidinig nila ang bata na nagmamakaawa sa ina.
Sa ulat ng GTV News “State of the Nation” nitong Miyerkules, sinabing nadatnan ng mga awtoridad ang bangkay ng bata sa ospital na puro pasa ang katawan.
Ayon sa mga kapitbahay, nakita nilang pinagpapalo ng kahoy ng ina ang kaniyang anak. Nadinig pa nila ang bata nagmamakaawa sa ina hanggang sa tumahimik na ang biktima.
Dito na umano humingi ng tulong ang ina sa kaniyang mga kapitbahay para madala sa ospital ang bata.
Ang mga tauhan naman sa ospital ang tumawag sa mga awtoridad at naaresto ang ginang.
Sinabi umano ng ginang sa mga pulis na makulit at makalat ang kaniyang anak kaya niya pinalo.
Mahaharap ang ginang sa reklamong parricide. –FRJ GMA Integrated News
