Isang 71-anyos na rider ang nasawi matapos mabangga ng truck ang minamaneho niyang motorsiklo, at nagliyab pa sa Davao City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Marilog nitong Miyerkules ng hapon.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, katatapos lang magpagasolina ng kaniyang sasakyan ang biktima at tumawid patungo sana sa Bukidnon.

Subalit may dumating na truck at nasalpok siya. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima, at nagliyab ang motorsiklo.

Kaagad na nasawi ang biktima sa pinangyarihan ng aksidente.

Nasa kustodiya ng pulisya ang truck driver na maaaring maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. – FRJ GMA Integrated News