Nasawi ang isang 26-anyos na rider na sangkot umano sa drag race nang bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang tricycle sa General Santos City.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Katanggawan kaninang madaling araw.

Ayon sa Traffic Enforcement Unit (TEU) ng General Santos City Police Office, na papaliko ang tricycle sa intersection nang banggain ng motorsiklo sa likuran.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang rider at nasawi sa pinangyarihan ng insidente.

Tumagilid naman ang tricycle at nagtamo ng sugat ang driver nito at apat na pasahero na dinala sa ospital.

Ayon sa TEU, lumalabas sa imbestigasyon na matulin ang motorsiklo dahil kasali umano sa isang drag race nang sandaling iyon.

“Based sa pamilya na nagpunta rito, yung anak nila is involved po sa drag racing,” pahayag ni TEU Deputy Chief, Police Capt. Lamberto Rabino, Jr.

“Huwag sanang gawing karerahan ang kalsada sapagkat ito ay para sa lahat ng motorista. Tandaan po sana natin ang maling liko ay maaaring ikamatay ng iba or driver mismo,” dagdag ni Rabino.

Nakatakda umanong mag-usap ang mga sangkot sa insidente. – FRJ GMA Integrated News