Isang lalaki ang nasawi habang sugatan ang kaniyang kapatid na mga sakay ng motorsiklo matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Bacolod City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing nilapitan ang mga biktima ng riding-in-tandem at pinagbabaril sa Barangay Mandalagan.

Agad tumakas ang mga salarin.

Patuloy na ginagamot sa ospital ang nakababatang kapatid ng biktima na may tama ng bala sa likod at balikat.

Sinabi ng kanilang mga kaanak na walang kaaway ang magkapatid, at wala pang matukoy na motibo ang pulisya sa krimen.

Isasailalim sa forensic investigation ang baril na nakuha sa sling bag ng isa sa mga biktima. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News