Umakyat na 69 katao ang nasawi sa magnitude 6.9 na lindol sa Cebu na sentrong tinamaan ang Bogo City nitong Martes ng gabi, ayon sa Office of Civil Defense ngayong Miyerkoles.

Sa isinagawang public briefing, sinabi ni OCD Officer-in-Charge Bernardo Alejandro na karamihan sa mga nasawi ay nasa Bogo City na 30.

Ang iba pang nasawi ay naitala sa mga sumusunod na lugar:

  • Medellin: 10
  • San Remigio: 22
  • Sogod: 1
  • Tabuelan: 1
  • Tobogon: 5


Ayon kay Alejandro, isasailalim sa validation ang mga iniulat na nasawi, na karamihan ay nabagsakan o nadaganan ng debris.

Sa ulat naman ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News, sinabing umabot sa 186 ang nasugatan dahil sa lindol, batay sa datos ng Joint Operation Center sa Bogo City.

Mayroon ding 23 sugatan ang dinala sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City. Pito sa nasabing bilang ay mga bata.

Ayon kay Cebu Governor Pamela Baricuatro, dumating na sa lalawigan sina Defense Secretary Gilberto (Gibô) Teodoro, Jr.; Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco, at Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na nagtungo sa Bogo City.

Una rito, tinukoy ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Miyerkoles na isang offshore fault (nasa ilalim ng dagat) na hindi gumalaw sa epicenter sa loob ng hindi bababa sa 400 taon ang naging dahilan ng lindol.

“At least in the last 400 years, iyong pong fault na nag-generate dito ngayon lang po ulit siya gumalaw. So medyo matagal po siya gumalaw kaya siya medyo malakas. Based po ito sa ating catalogue,” sabi ni PHIVOLCS Seismological Observation and Earthquake Prediction Division chief Dr. Winchelle Ian Sevilla.

“Sa ngayon po tinatawag nating 'offshore fault' kasi po nasa dagat. Kaya po tayo nag-deploy ng quick response team para lubos po nating maunawaan...Sa ngayon, wala pa pong pangalan,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Alejandro na sinusuri na ng mga kinauukulan ang structural damage sa Cebu, kabilang ang mga paaralan at ospital.

Pinayuhan niya ang publiko na huwag munang bumalik sa kani-kanilang mga bahay hanggang hindi pa idinedeklara ng mga awtoridad na ligtas na.

Sa isag public briefing, sinabi ni PHIVOLCS director Dr. Teresito Bacolcol na dapat umalis muna ang mga tao sa mga landslide-prone areas dahil sa inaasahang mga aftershocks.  

Kaninang umaga, sinabi ng PHIVOLCS na 848 aftershocks ang naitala kasunod ng malakas na lindol.-- FRJ GMA Integrated News