Nakalunos-lunos ang sitwasyon ng mga pamilyang nawalan ng tirahan matapos tumama ang malakas na lindol sa Cebu. Ang isang isang pamilya San Remigio, sa kulungan ng baboy na muna natulog, habang mayroon ding ibinalot ng plastic ang kanilang katawan para hindi mabasa ng ulan.
Sa ulat ng GMA Super Radyo Cebu, na iniulat din sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nanatili ang isang pamilya sa kulungan ng baboy para hindi sila mabasa ulan habang pinapangambahan pa ang aftershocks.
Sa bayan ng Medellin na nasalanta rin ng lindol, binalot ng ilang residente sa malaking plastic bag ang kanilang mga sarili para hindi mabasa ng ulan dahil wala rin silang bahay na masisilungan.
Maliban sa masisilungan, nangangailangan ng pagkain at inumin ang mga apektado ng lindol.
Sinisikap pang kunan ng pahayag ang mga lokal na pamahalaan ng mga nabanggit na apektadong bayan.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bumisita sa epicenter ng lindol sa Bogo City, na hindi mapatuloy sa evacuation center ang mga apektado ng lindol dahil hindi tiyak kung ligtas gamitin ang mga ito. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
