Nabisto ng mga awtoridad ang tangkang pagpupuslit ng isang lalaki sa 25 ibon na kalaw o hornbill na nakalagay sa hawla na nasa loob ng tatlong maleta sa Maasim, Sarangani. Hinarang sa checkpoint ang suspek na nakasakay sa SUV, at tila humingi ng tulong ang mga ibon nang humuni ang mga ito na nakatawag ng pansin sa mga awtoridad.
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, nasa 25 kalaw ang nakalagay sa mga maleta pero anim sa kanila ang hindi nakaligtas dahil namatay na sa biyahe.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources-SOCCSKARGEN (DENR-12), mga writhed hornbill at rufous hornbill ang naturang mga ibon.
Pinara ang SUV ng suspek para sa security inspection nang dumaan sa checkpoint sa Barangay Tinoto.
“Parang nadinig nila na huni ng ibon. Nag-ask siya [sa driver] na i-open ang maleta,” ayon kay Police Corporal Rolando Zuero, Jr. investigator, Maasim MPS.
Idinahilan umano ng 27-anyos na driver na taga-Digos, Davao del Sur, na kinontrata lang siya para kunin ang mga maleta na hindi niya alam kung ano ang laman.
“Ang sabi lang niya may nag-contact sa kaniya na may renta ng sasakyan. From Digos, pinuntahan niya ditto sa Maitum. Wala daw siyang alam kung ano ang dala niya,” ayon kay Zuero.
Dahil walang naipakitang permit ang lalaki para ibiyahe ang mga ibon, inaresto siya.
Dinala naman sa Regional Wildlife Rescue Center sa Lutayan, Sultan Kudarat ang mga nasagip na ibon.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147), o pagbabawal sa illegal transport and possession ng wildlife o buhay-ilang. – FRJ GMA Integrated News
