Nasawi ang tatlong estudyante nang madisgrasya ang sinasakyan nilang motorsiklo nang madaan sa bahagi ng kalsada na may baha sa Luna, Isabela.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng self-accident umano ang nangyari sa mga biktima na tumilapon mula sa kanilang motorsiklo.

Maaaring nadulas umano ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima nang dumaan sila sa malalim na bahagi ng kalsada na may naipong baha.

May nakasabay na truck ang mga biktima na hininalang may kinalaman sa aksidente. Pero nang suriin umano ng pulisya ang truck, wala silang nakitang gasgas dito.

Kaya paniwala ng mga awtoridad, walang kinalaman ang truck sa nangyari insidente.

Patuloy na nangangalap ng CCTV footages ang pulisya sa lugar na maaaring makatulong sa imbestigasyon.—FRJ GMA Integrated News