Bumagsak ang bahagi ng Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan nitong Lunes ng hapon at hindi na madadaanan ng ano mang sasakyan.

Sa ulat ng GMA Regional TV News, nakasaad sa paunang ulat mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO-Alcala), na may mga ten-wheeler truck sa ibabaw ng tulay bago ito bumagsak.

 

 

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung bakit gumuho ang tuloy at inaalam din kung mayroong mga nasaktan sa insidente.

Samantala, iniulat sa GMA News “24 Oras” na lumitaw sa paunang imbestigasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang sobrang bigat ng mga truck na dumaan sa tulay ang posibleng dahilan ng pagbagsak nito.

Ayon sa DPWH, tatlong truck ang dumaan sa tulay na may bigat na tig-50 tonelada na sobra-sobra sa kapasidad ng tulay na 18 tonelada lang.

Magbibigay umano ang DPWH ng rekomedasyon batay sa kanilang pagsusuri. Habang dahil sa insidente, kailangang maghanap muna ng alternatibong madadaanan ang mga tao.—FRJ GMA Integrated News