May mga saksak at taga nang matagpuan sa loob ng isang drum ang bangkay ng isang lalaki na ilang araw nang nawawala sa Datu Paglas, Maguindanao del Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing ipinagbigay-alam ng mga residente at motorista sa mga awtoridad ang drum na may bangkay na nasa gilid ng daan sa Barangay Malala.

Natukoy kinalaunan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaki na isang laborer at residente rin sa naturang bayan.

Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), iniulat ng mga kaanak na nawawala ang biktima noong pang October 2, 2025.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang salarin. – FRJ GMA Integrated News