Nasawi ang isang lalaki matapos saksakin habang nasa isang jeepney sa Barangay Patag sa Cagayan de Oro City nitong Linggo ng hapon.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa Barangay Bayabas ang biktima at sumakay sa naturang jeepney.

Pagsapit sa Barangay Patag, bigla na lang sinaksak ng isa ring pasahero ang biktima, na nahulog pa sa sasakyan at doon na rin pumanaw.

Ayon kay Police Station 4 Commander, Police Major Peter Tajor, una nang nakasakay ang suspek sa jeepney sa terminal nito sa Barangay Bulua nang bigla na lang niyang sunggaban at saksakin ang biktima na nakaupo sa unahan.

Natukoy kinalaunan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng tumakas na suspek sa bahay nito sa Barangay Carmen.

Nalaman din ng mga awtoridad na nanggaling din ang suspek sa lugar kung saan galing ang biktima sa Barangay Bayabas, at pinaniniwalang sinundan talaga niya ang biktima.

Personal na away ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo ng suspek sa pagpatay sa biktima.

Walang pahayag ang suspek na mahaharap sa kasong murder.—FRJ GMA Integrated News