Timbog ang isang lalaki matapos niyang subukang barilin sa ulo ang lalaking kasama ng dati niyang ka-live in sa Jaro District, Iloilo City. Ang biktima, masuwerte dahil hindi pumutok ang baril.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa video ang pagdakip ng mga awtoridad sa suspek nitong Linggo ng gabi.

Batay sa pulisya, nakaupo lang noon sa plaza ang lalaking biktima kasama ang isang babae nang biglang sumulpot ang suspek.

Kinalabit ng suspek ang gatilyo ng baril at itinutok niya ito sa ulo ng biktima, pero hindi pumutok. Ayon sa mga awtoridad, bumara ang basyo o slug ng bala sa baril kaya ito nagkaaberya.

Lumabas sa imbestigasyon na dating kinakasama ng suspek ang kasamang babae ng biktima.

Giit ng babae, hiwalay na sila ng suspek, bagay na itinanggi ng suspek.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa reklamong illegal possession of firearms at attempted murder.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News