Patay ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng suspek na ka-live ng babae na kasama umano niya sa loob ng banyo ng kapitbahay sa Bayambang, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Manambong Sur, noong October 2, 2025.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naaktuhan umano ng 44-anyos na suspek ang kaniyang kinakasamang babae habang kasama ang 38-anyos na biktima sa loob ng banyo ng kapitbahay.
Nagkapisikalan umano ang suspek at biktima hanggang sa humantong na sa krimen.
Tumakas ang suspek matapos ang pananaksak pero nahuli rin siya kinalaunan ng mga pulis habang nasa pag-iingat pa ang patalim.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na wala pang pahayag.
Tumanggi naman ang babae at kapitbahay nito na magbigay ng pahayag.
Habang sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News
