Nasawi ang isang 51-anyos na food delivery rider matapos siyang masalpok ng isang van sa Barangay Hinaplanon sa Iligan City nitong Lunes. Ang trahediya, nahuli-cam.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, makikita sa CCTV footage mula sa isang bahay na tumawid ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo sa national highway mula sa maliit na kalye.

Pero nang halos nakatawid na ang biktima pakanan sa national highway, bigla namang sumulpot ang isang van na nag-overtake at nasalpok ang biktima.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang rider at idineklarang dead on arrival sa ospital nang isugod siya.

Nasa kustodiya ng Traffic Enforcement Unit ng Iligan City Police Office ang driver ng van habang hinihintay kung magsasampa ng demanda ang pamilya ng biktimang rider. – FRJ GMA Integrated News