Nasawi ang isang mag-asawa sa Santiago City, Isabela matapos na bumangga sa isang kongkretong poste ang sinasakyan nilang kotse.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahedya kaninang madaling araw sa Barangay Baluarte.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na sinundo ng mister ang kaniyang asawa mula sa trabaho.

Habang pauwi, nawalan umano ng kontrol ang mister sa manibela ng sasakyan hanggang sa mapunta sila sa gilid ng kalsada at bumangga sa poste ng kuryente.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang wala pang pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.—FRJ GMA Integrated News