Naobserbahang lumalaki ang mga bitak sa lupa sa bayan ng Tabogon sa Cebu matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang probinsya noong Setyembre 30.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing hinihinala ng mga residente na dulot ng mga aftershock ng lindol ang sanhi ng paglaki ng mga bitak.

Ayon sa isang residente ng Barangay Tapul, maliit lang noong umpisa ang bitak sa lupa, hanggang sa nakarating na ito sa loob ng kanilang bahay.

Dahil dito, hindi muna sila pinayagan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na manatili sa kanilang tahanan.

Dagdag ng MDRRMO, sinusuri na ng PHIVOLCS at Department of Science and Technology ang mga bitak sa tatlong barangay, kasama ang landslide areas sa pitong barangay.

May mga nahuhulog pa ring mga malalaking bato mula sa bundok sa kasalukuyan.

Dahil sa banta ng panganib, hindi muna pinadaraanan ang ilang kalsada at patuloy itong mino-monitor ng mga awtoridad. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News