Anim na tao na ang iniulat na nasawi sa magnitude 7.4 na lindol na tumama sa Manay, Davao Oriental nitong Biyernes, October 10, 2025.

Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing batay sa datos mula sa Office of Civil Defense (OCD), nasa tatlo ang nasawi sa Mati City, Davao Oriental, habang dalawa naman sa Pantukan, Davao de Oro.

Isang 80-anyos na lalaki naman ang nasawi sa Davao City, matapos tamaan ng gumuhong pader sa Barangay Tomas Monteverde, ayon sa Davao City Police Office (DCPO).

Ayon sa pulisya, nakaupo ang lalaki nang bumigay ang sementadong pader dahil sa nangyaring pag-uga ng lupa.

Ayon naman sa Mati City Information Office, 57-anyos na babae ang isa sa tatlong nasawi sa lungsod.

Nadaganan siya ng natumbang perimeter wall ng isang opisina na nasa likod ng boarding house kung saan nakatira ang biktima.

Nakalabas na umano ng boarding house ang biktima pero bumalik upang kunin ang towel nang maganap ang lindol at nadaganan siya ng pader.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang paggalaw ng Philippine Trench sa bahagi ng Manay, Davao Oriental ang lumikha ng magnitude 7.4 na lindol.

“We have trenches around the Philippines. We have six active trenches...The Philippine Trench is the one that produced this one,” ayon kay PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol sa isang briefing nitong Biyernes, na iniulat sa GMA News 24 Oras nitong Biyeres.

Sinabi pa kay Bacolcol, ilang malalakas na lindol na rin ang naitala sa lugar sa nakalipas na mga taon gaya ng mga sumusunod:

  • 1924 - magnitude 8.3
  • 1952 - magnitude 7.6
  • 1921- magnitude 7.5
  • 1929 - magnitude 7.2
  • 1992 - magnitude 7.1

--FRJ GMA Integrated News