Ilang araw matapos tanggalin sa trabaho, bumalik sa dati niyang pinapasukang gas station sa General Santos City ang isang dating gasoline boy hindi para mangamusta ng mga dating katrabaho kung hindi para mangholdap. Ang natangay niyang pera, aabot sa P100,000.00.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Dadiangas North noong Martes.

Sa kuha ng CCTV camera ng gas station, nahuli-cam ang suspek na may hawak na baril habang inuutusan ang isang babae na ilagay sa bag ang mga pera na kaniyang natangay.

Ayon kay General Santos City Police Office (GSCPO) Director, Police Colonel Nicomedes Olaivar Jr., lumitaw sa imbestigasyon na ilang araw pa lang natatanggal sa trabaho ang suspek dahil sa usapin na may kinalaman sa kita ng gas station.

Naging kampante umano ang mga trabahador sa gas station dahil sa akalang bumisita lang ang suspek. Pero nang makuha nito sa lalagyan ang baril ng security, doon na nagdeklara ng holdap ang suspek.

Ayon kay Olaivar, kabisado ng suspek kung saan nakalagay ang baril at maging ang drawer kung saan nalagay ang pera.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek, habang naghigpit naman ng seguridad ang may-ari ng gas station. – FRJ GMA Integrated News