Isang guro ang binaril ng kaniyang dating asawa sa loob ng silid-aralan habang naghahanda sa pagtuturo sa Tanauan, Leyte nitong Huwebes ng umaga.
Batay sa impormasyon mula sa Police Regional Office (PRO 8), nangyari ang insidente sa Tanauan School of Craftsmanship and Home Industries sa Barangay Canramos dakong 7:23 a.m.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob na ng paaralan ang 48-anyos na biktima nang dumating ang suspek at bigla na lang binaril ang guro na tinamaan sa balikat.
Matapos ang pamamaril, itinapon ng suspek ang baril sa bubong.
Isinugod naman ng mga kasamahan sa eskuwelahan ang sugatang biktima.
Nang dumating ang mga pulis, inabutan nila ang suspek na may hawak na patalim at planong saktan umano ang sarili.
Gayunman, nakumbinsi nilang itong sumuko.
Nakuha ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ang kalibre .38 na paltik na baril na ginamit ng suspek sa pamamaril, at ang patalim.
Bagaman hiwalay na ang dalawa, nakadama pa rin umano ng pagseselos ang suspek nang malaman niya na mayroon daw na bagong karelasyon ang biktima, na nagpapagaling sa tinamong sugat. – mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

