Nauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng mga awtoridad ng arrest warrant sa isang bahay sa General Santos City na nagresulta sa pagkasawi ng isang nasa loob ng bahay, at pagkakasugat ng isa pa.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang engkuwentro nitong Huwebes ng gabi sa Barangay Fatima.
Ayon sa pulisya, isisilbi nila ang search warrant para sa target nilang nahaharap sa kasong illegal possession of firearms. Pero habang nasa gate ang mga pulis, may nagpaputok na umano ng baril mula sa loob ng bahay na nagresulta ng sunod-sunod na putok ng baril.
Nasawi sa operasyon ang lalaking siya umanong namaril sa mga pulis, at isa pa ang nasugatan matapos tamaan ng nag-ricocheted o tumalbog na bala.
Naaresto naman ang lalaking pakay ng arrest warrant.
“During the implementation, pagpasok namin sa gate, pinaputukan agad kami ng one of the occupants sa balay. So thereafter, a firefight ensued and then we tried our best to negotiate na mag-surrender na lang ning nagpabuto. But unfortunately, wala sila nag-yield into us, the authorities, mao to, kadugayan, na-neutralize siya,” ayon kay Police Station 7 Commander, Police Major Noel Cardos.
Igiiit naman ng nadakip na suspek na siya ang may baril kung hindi ang lalaking napatay ng mga pulis sa engkuwentro.
“Wala siya’y pusil, but they are in one place. Gina-check pa namo kung kinsa ning naka-register ning caliber 40,” ani Cardos.
Nakuha ng mga awtoridad sa bahay ang isang caliber .40 pistol, mga bala, at 18 gramo ng hinihinalang shabu.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591). – FRJ GMA Integrated News
