Isang tao ang nasawi habang lima ang sugatan matapos mawalan ng preno ang isang tanker truck na umararo sa tatlong sasakyan, at sumabog sa Maharlika Highway sa Atimonan, Quezon.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente dakong 6:30 a.m. sa Barangay Malinaw.
Ayon sa pulisya, tinatahak ng tanker truck ang pababang bahagi ng kalsada nang mawalan ito ng preno at bumangga sa isang nakatigil na trailer truck na nauna nang naaksidente.
Dahil sa lakas ng pagbangga, tumagilid ang tanker at dumulas sa kalsada, at tinamaan ang dalawang tricycle na nasa unahan.
Nasawi ang driver ng tanker habang nagtamo ng third-degree burns ang tatlong estudyante at dalawang driver ng tricycle.
Nasunog ang mga tricycle, isang bahay, isang sari-sari store, mga puno, kable ng kuryente, at motorsiklo.
Nagdulot din ito ng matinding takot sa mga residente.
Dinala sa ospital sa Atimonan ang mga sugatan, pero inilipat sa East Medical Center sa Quezon City ang tatlong estudyante dahil sa tindi ng tinamo nilang paso.
Ayon sa mga tricycle driver, tumakbo sila ng mga estudyante paakyat ng bundok matapos masunog ang sasakyan.
Nanawagan ang ama ng isa sa mga biktima ng tulong mula sa may-ari ng tanker.
Ayon sa pulisya, ito na ang ikatlong insidente ng nawalan ng preno sa lugar sa nakalipas na tatlong buwan. Nagpaalala rin sila sa mga motorista na mag-ingat at magbagal sa pagdaan sa bahaging iyon ng kalsada.—FRJ GMA Integrated News
