Nasawi ang isang lalaki matapos siyang barilin ng lalaki na umano’y inagawan ng biktima ng kanta sa videoke sa dinaluhan nilang okasyon sa San Mateo, Isabela.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing hindi magkakilala ang suspek at biktima na parehong imbitado sa okasyon sa Barangay San Marcos noong gabi ng Linggo.
Ayon sa mga saksi, nilapitan ng suspek ang 47-anyos na biktima at binaril sa ulo at dibdib na sanhi ng kaniyang pagkamatay habang ginagamot sa ospital.
Kaagad na tumakas ang suspek na pinaniniwalaang ikinagalit ang pagkanta umano ng biktima sa dapat sanang kakantahin ng suspek.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na residente sa ibang bayan.
“According sa witness, dumayo ‘tong suspek kasi sa kabilang bayan po siya. Hindi po sila magkakilala ‘yung victim at suspek. ‘Yun nga po kasi hindi namin na-recover ‘yung baril, kaya ‘yung mga bala lang po, kaya nakipag-coordinate kami sa forensic,” ayon kay Police Staff Sergeant Clemente Caronan, Jr., investigator on the case. – FRJ GMA Integrated News
