Patay ang isang barangay kagawad at kaniyang kinakasama matapos silang pagbabarilin ng suspek na isang pulis habang nagmimiryenda sa beranda ng kanilang bahay sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong hapon ng Linggo sa bahay ng mga biktima sa Barangay 21.

Ayon sa pulisya, kaagad na nasawi ang 26-anyos na lalaking kagawad, habang nadala pa sa ospital ang 30-anyos na babae pero binawian din ng buhay.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagmimiryenda ang mga biktima nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang mag-live in partner.

Nakatakas ang mga salarin pero naaresto kinalaunan ng mga awtoridad ang suspek na isang pulis.

Patuloy naman na tinutugis ang kaniyang kasamahan.

Ayon sa hepe ng San Nicolas police station, itinanggi ng suspek ang paratang na krimen pero sinampahan na siya ng kaso.

Hinihinala ng mga awtoridad na maaaring may personal na relasyon ang suspek at ang babaeng biktima na siyang ugat ng krimen.

Labis ang hinapis ng ina ng babaeng biktima sa nangyari lalo pa't na dalawang buhay ang kinuha ng suspek.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng lalaking biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News