Natagpuang kritikal ang lagay ng isang babaeng walong-taong-gulang na unang iniulat ng kaniyang pamilya na nawawala sa Mabalacat City, Pampanga. Ang biktima, hinihinalang ginahasa matapos ayain ng suspek na sumama para mabigyan ng P20.00.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, natagpuan ang biktimang Grade 2 pupil malapit sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Barangay Sapang Biabas, noong Lunes.

Ayon sa pulisya, huling nakita ang biktima sa loob ng isang pisonet shot noong Linggo ng gabi. Pero hindi nakauwi ang bata kaya magdamag na hinanap ng pamilya.

Kinabukasan, humingi ng tulong sa barangay ang pamilya at sinuri ang CCTV camera sa pisonet shop, at doon nakita na kasamang umalis ng biktima ang 20-anyos na suspek na residente rin sa barangay, at kaagad siyang dinakip.

Ayon pa sa pulisya, inamin ng suspek na dinala niya ang biktima malapit sa NLEX, at doon may nakakita na mga kawani sa lugar sa biktima na halos walang malay, may mga galos at sugat sa ulo.

“Nagtanong ang barangay kung may nakita po silang bata doon sa NLEX at positive, at dinala na po sa ONA [ospital] dahil wala na po itong saplot. Talagang critical… halos hindi po niya maimulat ang kaniyang mga mata kasi allegedly ito nga po ay pinagpupokpok ng bato at iniuntog ang ulo [ng biktima sa pader],” pahayag ni Women and Children's Protection Desk Chief Police Captain Catherine Maizo,

Sabi pa ni Maizo, nasa pisonet ang bata dahil doon din nagtatrabaho ang ate nito.

“Paikot-ikot lang sa pisonet [ang bata], inoffer-ran kasi yung bata ng P20 kaya sumama ang bata sa suspek,” dagdag niya.

Ginagamot ang biktima at isinailalim sa mga pagsusuri sa ospital dahil sa malubhang pinsala umano na tinamo nito sa ulo.

Ayon sa pulisya, itinatanggi ng suspek ang mga paratang pero sasampahan siya ng kasong statutory rape with frustrated murder in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Wala pang pahayag ang suspek at kaanak ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News