Nasawi ang isang 41-anyos na babaeng hukom matapos mabangga ng isang motorsiklo ang sinasakyan niyang motorsiklo rin sa Pinamungajan, Cebu nitong umaga ng Miyerkoles.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, nakatalaga ang hukom sa Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng Pinamungajan-Aloguinsan sa Cebu.

Ayon sa pulisya, nakaangkas ang hukom sa motorsiklo na minamaneho ng 48-anyos na katrabaho nito sa korte.

Tinatahak ng dalawa ang national highway sa bahagi ng Barangay Cabiangon nang masagi sila ng motorsiklo na minamaneho ng 19-anyos na rider na bigla umanong lumihis ng takbo.

Dinala ang dalawang biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival ang hukom.

Nagtamo rin ng sugat ang nakabanggaan nilang rider na may angkas na dalawang babae.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang nakabanggang rider na mahaharap sa kaukulang kaso. – FRJ GMA Integrated News