Naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa dalawang suspek para sa kasong paghalay at pagpatay sa Slovak national na nagbabakasyon sa Boracay noong nakaraang Marso 2025.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, kinilala ang mga inarestong suspek na sina Rajel Lacorte, 29-anyos ng Barangay Balabag, at Ronald Saron, 38-anyos ng Barangay Yapak sa Boracay Island, Malay, Aklan.
Magkahiwalay na inaresto ang dalawa noong October 20. Dinakip si Lacorte sa Barangay Nalook sa bayan ng Kalibo, habang sa Barangay Yapak sa Boracay dinakip si Saron.
Ayon sa Aklan Police Provincial Office, naging madali ang pagsisilbi ng arrest warrant laban sa dalawa dahil sa ginawang pagsubaybay sa kanila.
Matatandaan na nawala ang biktimang Slovak national noong March 10, 2025, at nakita ang kaniyang bangkay pagkaraan ng dalawang araw sa isang abandonadong chapel sa Boracay.
“Meron pong inilabas na warrant of arrest ang Regional Trial Court Branch 9 ng Kalibo, Aklan. Noong October 20, successfully na na-arrest ang dalawang suspects,” ayon kay Police Captain Aubrey Ayon, spokesperson ng Aklan Police Provincial Office. – FRJ GMA Integrated News
