Matapos ang limang araw na paghahanap, natagpuan na ang bangkay ng mag-asawang sakay ng tricab nang natabunan ng gumuhong lupa sa Quezon, Bukidnon. Ang bangkay ng mga biktima, magkayakap nang mahukay.
Sa ulat ni Alwen Saliring sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing umaga kanina nang matagpuan ang mga bangkay ng mag-asawang Ely at Thelma Ubatay, parehong 60-anyos, sa landslide area sa Sitio Kipolot, Barangay Palacapao.
Limang araw nang hinahanap ang mga biktima nang maganap ang pagguho ng lupa sa bahagi ng Bukidnon-Davao Road noong October 18, 2025. Sakay ang mag-asawa ng tricab nang tangayin sila ng landslide sa tinatayang 80 metrong lalim.
Unang natagpuan ang tricab kinabukasan matapos ang trahedya.
Ayon kay Forts Cabarde, Quezon Public Information Officer, magkayakap nang makita ang mag-asawa.
Natunton umao ng mga rescuer ang kinaroroonan ng mga katawan ng mga biktima sa tulong ng apat na search and rescue dogs — tatlo mula sa militar at isa mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Opol, Misamis Oriental.
Ayon kay Cabarde, tutulungan ng lokal na pamahalaan ang pamilya ng mag-asawa.
Isa umano sa mga naging dahilan kaya naantala ang paghahanap sa mga biktima ang masamang lagay ng panahon.
Una rito, iniutos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang paggawa ng detour road para maibalik daan ang nagkokonekta sa lugar.
Gayunman, aabutin ng ilang buwan bago umano ito magawa. –FRJ GMA Integrated News

