Patay ang isang driver habang kritikal ang anak niyang isang-taong-gulang matapos na salpukin ng isang dump truck ang sinasakyan nilang kotse sa bahagi ng Gerona, Tarlac. Ilang sasakyan din ang nadamay sa sakuna.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, inihayag ng awtoridad na nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck sa kaniyang sasakyan kaya nabangga niya ang mga biktima.
“‘Yung truck biglang nag-swerve nang konti doon sa left side, so approaching po ‘yung ating kotse doon, Sir, so doon nagkabanggaan. Nawalan daw po siya ng kontrol doon sa makina,” ayon kay Gerona Police acting chief Police Lt. Col. Edilberto Santiago.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang driver ng kotse habang nasa intensive care unit naman ang kaniyang anak. Nakaligtas ang ina ng bata.
Nakikipag-ugnayan na umano ang abogado ng may-ari ng truck sa mga biktima, ayon sa ulat.
Bukod sa kotse ng pamilya ng biktima, ilang sasakyan pa ang nadamay sa aksidente.
“Itong highway talaga ng Gerona ay accident prone talaga ‘yung area diyan. Ang [tendency] talaga, matutulin kumpara sa mga ibang lugar,” ani Santiago.
Nasa kustodiya ng mga pulis ang driver ng truck habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon. – FRJ GMA Integrated News
