Isang babae ang natagpuang patay sa loob ng isang simbahan sa Liloan, Cebu nitong Biyernes ng umaga, October 24, 2025. Ayon sa mga awtoridad, may sugat sa ulo at dugo sa ilong ng biktima.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nakita ang biktima na nakahandusay sa pinakadulong bahagi ng mga upuan ng San Fernando El Rey Parish Church sa Barangay Poblacion dakong 9:00 am.

Ayon sa pulisya, dinala pa sa ospital ang biktima na tinatayang nasa 30-anyos pero idinaklara siyang dead on arrival.

Kuwento ng isang staff sa simbahan, may nakarinig sa sigaw ng babae mula sa loob ng simbahan. Isang lalaki rin umano ang nakitang lumabas mula sa loob pero hindi na natagpuan ng mga taga-barangay nang kanilang hanapin.

Wala na umanong tao sa simbahan matapos ang misa noong 6:00 am. Ayon sa isang tagalinis, may nakita siya na isang lalaki na nakaupo sa loob pero wala siyang nakitang kasama na babae.

Pero nang magpunta siya sa offering table, doon niya nakita ang biktima na nakahandusay at dumudugo ang ilong.

Wala umanong nakakakilala sa naturang biktima.

Ayon kay Police CMS Arni Goc-ong, chief investigator ng Liloan Police Station, bukod sa sugat sa ulo, may marka rin na nakita sa leeg ng babae.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at sinusuri na rin ang mga CCTV camera sa lugar.

Samantala, naglabas naman ng pahayag na pirmado ni Rev. Fr. Joseph Larida, ang moderator ng team of pastors sa San Fernando El Rey Parish, kaugnay sa nangyaring insidente.

"The matter is now under investigation, and the parish is fully cooperating with the proper authorities to ensure that justice and due process are served," ayon sa pahayag. "We ask for your understanding and continued cooperation during this time. Let us also join together in prayer for peace, healing, and for all those affected by this distressing event."

Nakasaad din sa pahayag na, “all Holy Masses and parish activities will be temporarily held at the Parish Pastoral Center until further notice." – FRJ GMA Integrated News