Labis ang pagdadalamhati ng isang ginang sa Liloan, Cebu matapos na masawi ang kaniyang asawa at tatlong batang anak nang mawasak ang inakyat nilang bahay at tangayin ng baha dahil sa hagupit ng bagyong “Tino.”
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing makikita ang ilang nakaligtas sa delubyong dala ni Tino sa mga punerarya upang asikasuhin ang mga labi ng mga mahal nila sa buhay na nasawi sa bagyo.
Kabilang dito si Krizza Espra, na ipinagluluksa ang pagpanaw ng kaniyang mister, at tatlo nilang anak na edad isa, tatlo, at walo. Nasawi rin ang kaniyang ama at pamangkin.
Naging matindi ang baha na dala ni Tino sa Liloan nang umapaw ang Cotcot River at mapunta sa mga kabahayan ang tubig.
“Hindi maipaliwanag. Nagising kami sa paa lang ang baha. Ilang minuto umabot siya dito [sa dibdib],” ayon kay Espra.
Sinabi ni Espra na umakyat na sila sa bubungan ng bahay pero gumuho umano ang katabi nilang gusali.
“Doon tumama sa bahay na inakyatan namin, nag-collapse din kami. Nadamay kami, tangay kami lahat,” patuloy niya.
Bukod sa nasawing mga mahal sa buhay, hindi pa niya nahahanap ang kaniyang ina, tiyahin at dalawang pamangkin.
Kaya pakiusap niya, “Sana matulungan. Hindi pa namin alam paano magsimula. Wala nang bahay, wala lahat. Walang pamilya. Sana mahanap ang mama, mga pinsan ko,”
Umaasa siya na may magpapadala sa lugar nila ng crane para makapaghukay dahil ay mano-mano umano sa ngayon ang paghahanap at marami pa ang pinaniniwalaang natabunan.
Samantala, ilang miyembro ng Philippine Air Force ang nagsasagawa search and retrieval operation sa isang subdivision sa Liloan na puno nang putik sa daan at mga nagpatong-patong na mga sasakyan.
Umaasa ang mga residente na maialis na ang mga sasakyan na tinangay ng baha at nagpatong-patong sa daan upang mapabilis ang pagdating ng tulong sa kanilang lugar.
May residente rin na bumalik sa kanilang mga bahay upang balikan ang naiwan nilang mga alaga. – FRJ GMA Integrated News
