Nasawi ang 49-anyos na backhoe operator matapos siyang makulong sa loob ng sasakyan at malunod sa isang ilog sa Hinigaran, Negros Occidental. Inaalis ng biktima ang mga burak at iba pang debris sa ilog nang tumagilid ang backhoe at malubog sa tubig.

Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa reclamation area sa Barangay 1.

Ang residente na si Myra Masion, nahuli-cam ang nangyari sa backhoe na balak umanong lumipat sa kabilang bahagi ng ilog.

Maaari umanong masyadong malambot ang lupa sa ilog kaya nawalan ng balanse ang backhoe at tuluyan itong tumagilid at nalubog sa tubig habang nakulong sa loob ang operator.

Kaagad namang humingi ng tulong ang mga residente para sagipin ang operator.

Ayon kay Police Lt. Col. Jovil Sedel, officer in charge ng Hinigaran Municipal Police Station, medyo natagalan bago makuha ng mga tauhan ng Disaster Risk Reduction and Management Office ang biktima dahil na rin sa lakas ng agos.

“Sa pag-conduct ng investigation, nang bumaliktad, hindi siya nakalabas kasi sarado, [at] iyon din, napuno ng putik,” dagdag ni Sedel.

Pag-aari umano ng lokal na pamahalaan ang backhoe.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya ang insidente.—FRJ GMA Integrated News