Napatay ng rumespondeng pulis ang isang 43-anyos na lalaki na nauna umanong nanaksak sa isang mag-ina sa Davao City nitong Martes.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabi ng pulisya na nagtungo ang suspek na armado ng patalim sa auto shop ng mga biktima sa Barangay Riverside.
Una umanong inatake ng suspek ang 26-anyos na may-ari ng shop na nagtamo ng tatlong saksak sa katawan. Sumaklolo naman ang ina ng biktima pero sinaksak din siya sa likod.
Parehong isinugod sa ospital ang mag-ina para gamutin ang tinamong mga sugat.
Rumesponde naman ang mga pulis ng Task Force (TF) Davao at Calinan Police Station hanggang sa matunton ang suspek sa bahay ng kaniyang biyenan.
Pero sa halip na sumuko, tinangka rin umano ng suspek na saksakin ang isang tauhan ng TF Davao na napilitang barilin siya.
Matapos maaresto at makuha ang dalang patalim, isinugod ang suspek sa pagamutan pero binawian na siya ng buhay.
“Nung kaniyang pinaputukan ito, tumakbo ‘yung tao. Nung nakita na may tama, ito’y itinakbo nila sa hospital. But unfortunately, na-declare siyang DOA [dead on arrival],” ayon kay Davao City Police Office (DCPO) Director, Police Col. Mannan Muarip.
Bilang bahagi ng protocol, isinailalim sa imbestigasyon ang pulis na nakabaril sa suspek, at isasailalim sa ballistic examination ang kaniyang baril.
Iniimbestigahan din ang motibo ng suspek sa ginawang pag-atake sa mag-inang biktima.
Pero ayon sa pulisya, dati nang may alitan sa pamilya ng suspek at biktima.
“‘Yung matagal nang hidwaan ng dalawang mag-anak, dalawang magpamilya. So, naayos na rin sila ng barangay but unfortunately kahapon, ‘yung suspek natin, umatake sa kabilang pamilya,” ayon kay Muarip. – FRJ GMA Integrated News
