Patay na nang matagpuan at tadtad ng saksak sa loob ng kaniyang bahay ang isang babaeng 21-taong-gulang sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing ang partner na miyembro ng LGBTQ community, ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima sa Barangay Apopong kaninang umaga.
Ayon sa Barangay Apopong kagawad na si Jun Lacea, bubuksan sana ng partner ang kanilang lotto outlet sa bahagi rin ng bahay nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa kama.
Mag-isa lang umano noon sa bahay ang biktima, dahil nasa birthday party ang iba niyang kaanak. Inaasahan na susunod dapat sa kanila ang biktima pero hindi nito nagawa.
Hinala ng pulisya, pinagnakawan ang biktima bago ito pinatay.
“Ang area po parang may nagulo, nagulo po ang kuwatro and at the same time maraming saksak na tinamo ang ating biktima…Initial ang sinasabi sa atin ng investigator is 15 stabbed wounds,” sabi ni Police Major Jethro Doligas ng Police Station 2.
Isang tricycle driver na naghatid ng pagkain para sa mga alaga ng biktima ang kinuwestiyon ng pulisya. Pero itinanggi nito na may kinalaman siya sa krimen.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.—FRJ GMA Integrated News
