Nasawi ang isang 18-anyos na babaeng massage therapist matapos siyang sakalin ng dati niyang kinakasama sa Roxas City, Capiz. Ang suspek, gumamit ng dummy account sa social media para maisagawa ang masamang balak sa biktima.

Sa ulat ni Kim Salinas ng GMA Regional TV sa GMA News “Saksi” nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan na hindi na gumagalaw sa loob ng banyo ng isang inn ang biktima nitong Martes.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon sa pulisya, nakita sa CCTV footage na kasama ng biktima sa establisimyento ang 23-anyos na suspek.

“10:15, itong suspek, nag-check in sa isang room. 10:21 pm, pumasok ang lalaki sa room. 10:33 pm, nag-arrive ang victim sa room na iyon. 10:56 pm, lumabas ang lalaki,” ayon kay Roxas City Police chief P/Lt. Col. Ricardo Jomuad, Jr.

Sa tulong ng Aviation Security Group, nadakip ng Roxas City Police ang suspek na umamin umano sa krimen.

Pinagplanuhan umano ng suspek ang krimen na gumawa ng dummy account online para makaugnayan ang biktima na kunwaring magpapamasahe siya.

Nagawa raw ng suspek ang krimen dahil hindi niya matanggap ang paghihiwalay nila matapos ang tatlong taong relasyon.

Ayon kay Jomuad, nabanggit ng manager na nakapagabi sa kaniya ang biktima na may banta sa kaniyang buhay.

Matapos gawin ang krimen, uminom umano ng lason ang suspek kaya dinala siya sa ospital at inoorbasehan.

Aalamin din ng awtoridad kung nilason ang biktima dahil may nakitang black powder sa crime scene.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na kasuhan ang suspek.— FRJ GMA Integrated News